Libo-libo nag-rally sa QC upang isulong ang pederalismo

Michael Delizo, ABS-CBN News

Posted at Feb 17 2018 08:07 PM

MANILA—Umabot sa halos 3,000 katao ang dumalo sa isinigawang rally sa Quezon City Memorial Circle ngayong Sabado bilang suporta sa pagsulong ng pederalismo sa bansa.

Pinangunahan ang pagtitipon nina dating punong mahistrado Renato Puno, Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte, at IConform-Federal Philippines lead convenor Raul Lambino.

Ayon kay Lambino, layunin ng pagtitipon na tinatawag na "Fed-ibig ng Bayan sa Pagbabago" na ipaliwanag ang pederalismo sa publiko.

"Kaya ito (pederalismo) ang namamayaning ideolohiya sa iba't-ibang bahagi ng daigdig ay masasabi nating pro-democracy, pro-equality, at pro-unity," ani Puno.

Nagpahayag din ng kumpiyansa si Puno sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na maisusulong ang pederalismo sa bansa.

Isa sa mga pangunahing pangako ni Duterte ang pagpapalit ng uri ng pamahalaan ng Pilipinas sa pederal na sistema.

Kabi-kabila na ang pagdinig ng mga mambabatas sa Senado at Kamara ukol sa charter change upang mabigyang-daan ang transisyon sa pederalismong pamahalaan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.