Higit 30 atleta, coach isinugod sa ospital dahil sa pananakit ng tiyan

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Feb 17 2018 09:24 PM | Updated as of Feb 17 2018 10:32 PM

DAVAO CITY (UPDATE)—Isinugod sa ospital ang higit sa 30 atleta at coach mula sa Mati City matapos magreklamo ng pananakit ng tiyan Sabado ng gabi.

Dinala ang mga biktima sa Southern Philippines Medical Center matapos silang makaranas ng pagsusuka at pagdudumi.

Kinumpirma naman ng Davao City Information Office na nakaranas ng food poisoning ang mga atleta.

Ang kinaing corned beef at nilagang baka nitong Sabado ng tanghali ang itinuturong dahilan umano ng pananakit ng tiyan, ani Dr. Angelo Prado ng lokal na pamahalaan ng Mati.

Makakasali naman daw ang mga nasabing atleta sa Davao Region Athletic Association tournament nitong darating na linggo.

"Per assessment of the attending physicians and officials from the City Health Office, all affected delegates will be able to compete during the sporting events," ani Lawrence Bantiding ng Davao City Information Office.

(Batay sa obserbasyon ng mga doktor mula sa city health office, lahat ng apektadong manlalaro ay makakasali sa mga palaro)

Iniimbestigahan na rin ng mga awtoridad ang insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.