Higit 250 OFW mula Kuwait, inaasahang babalik sa Pinas ngayong Sabado

Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Posted at Feb 17 2018 05:18 PM

MANILA—Higit 250 overseas Filipino workers mula sa Kuwait ang inaasahang darating sa bansa Sabado, isang linggo matapos manawagan ang pamahalaan na bumalik na sa Pilipinas ang mga naninilbihan sa bansa kung saan walang awang pinatay ang isang Pinay na kasambahay.

Dumating umaga ng Sabado ang 23 OFW sa Ninoy Aquino International Airport at inaasahang nasa 230 iba pa ang darating sa bansa sa gabi.

Makatatanggap sila ng P20,000 na livelihood assistance at P5,000 cash assistance mula sa pamahalaan, subalit makukuha nila ito mula sa mga regional office ng Overseas Workers Welfare Administration. 

Ang mga taga-Luzon ay ihahatid o bibigyan ng perang pamasahe ng OWWA, habang ang mga taga-Visayas at Mindanao ay bibilhan ng ticket sa barko o eroplano.

Samantala, 34 OFW mula sa Jeddah, Saudi Arabia, ang nakauwi na rin sa Pilipinas.

Karamihan sa kanila ay nagtrabaho bilang electrician, technician, at tubero na hindi nakakuha ng "iqama" o residence permit, ani Lynol Fulgencio ng OWWA repatriation and assistance division.

"Dalawang buwan silang nakatengga dahil nagkautang ang kumpanyang kanilang pinasukan," pahayag ni Fulgencio.

Hindi mapagkakalooban ng P5,000 na cash assistance ang mga OFW na umuwi mula sa Jeddah dahil para lamang ito sa mga sumailalim sa amnestiya. 

Gayunman, maaari silang makakuha ng P20,000 na livelihood assistance subalit ipoproseso muna nila ito sa OWWA regional offices. 

Sasagutin din ng OWWA ang pamasahe nila pauwi sa mga kani-kanilang mga probinsya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.