Drug suspect, patay nang tangkain umanong maghagis ng granada

Lore Mae Andong, ABS-CBN News

Posted at Feb 17 2018 11:30 AM | Updated as of Feb 17 2018 04:57 PM

COTABATO CITY – Patay ang isang hinihinalang sangkot sa droga habang arestado ang isa pa sa isinagawang buy-bust operation dito, Biyernes ng umaga.

Nabaril ng awtoridad ang hindi pa pinapangalanang suspek sa operasyon sa Barangay Bagua 2. Ito'y matapos magtangka umano itong hagisan ang awtoridad ng granadang kinuha niya sa kaniyang bulsa.

Idineklara siyang dead on arrival nang isugod sa Cotabato Regional and Medical Center.
 
Naaresto rin sa operasyon ang isang 28-anyos na miyembro umano ng barangay peacekeeping team at residente ng Purok Tabanga sa Barangay Bagua 1.

Bukod sa granada, nakumpiska rin mula sa kanila ang 14 plastic sachet ng hinihinalang shabu, 2 cellphones, 2 bundle ng plastic sachet na ginagamit sa pag-repack ng shabu, improvised tooter, lighter at buy-bust money.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.