Babae lumaban sa magnanakaw, ligtas sa 46 saksak; suspek tiklo

Isay Reyes, ABS-CBN News

Posted at Feb 17 2018 09:38 AM | Updated as of Sep 22 2018 11:27 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Nakaligtas ang isang babae matapos pagsasaksakin ng 46 beses nang labanan ang suspek na nanloob sa kaniyang bahay, Biyernes ng gabi sa Caloocan City.

Nagpapagaling na ngayon sa pagamutan ang 33-anyos na biktimang nakilalang si Joan Bongares.

Duguan pa ang damit ng suspek na si Michael Franco, 38, nang dalhin sa presinto. Umamin siya sa ginawa pero sinabing naudyukan lamang siya ng kaibigan habang nakikipag-inuman.

Agad na naaresto si Michael Franco matapos na pagsasaksakin ng 46 beses ang babaeng nakatira sa bahay na nilooban nito Biyernes ng gabi sa Caloocan City. Isay Reyes, ABS-CBN News

Pinasok ni Franco ang bahay ni Bongares sa Barangay 167 para magnakaw. Pero lumaban umano ang biktima kaya nasaksak niya ito.

“Nag-dilim po paningin ko tapos sabi pasukin daw namin. Sumigaw po siya kaya sinaksak ko,” pahayag ni Franco. 

Ice pick, tinidor, at kitchen knife ang mga ginamit na pansaksak ng suspek sa biktima. 

Ayon sa pulis, labas-masok na rin sa kulungan si Franco dahil sa iba’t ibang kaso. Gumagamit din umano ito ng droga. 

“Miyembro ng Sputnik Gang ang suspek. Posibleng matagal na niya itong (ang biktima) minamanmanan,” pahayag ni Senior Insp. Dennis Odtuhan. 

Mahaharap sa kasong robbery with frustrated homicide ang suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.