ALAMIN: Parusa sa taong nakaaksidente

ABS-CBN News

Posted at Feb 17 2018 05:14 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Maaaring makulong at magbayad ng danyos ang isang taong nakaaksidente kung mapapatunayang mayroon itong kapabayaan.

Kasong "reckless imprudence resulting in physical injuries" ang paksang tinalakay sa programang "Usapang de Campanilla" sa DZMM nitong Biyernes.

"Kahit sabihin nating hindi intensyonal, let's say napabayaan mo trabaho mo, hindi mo inintensyon, pero nagdulot ng kasawian or danyos du'n sa taong nabiktima, ikaw pa rin ay makakasuhan ng isang criminal case," paliwanag ng abogadong si Claire Castro.

Mas mataas umano ang parusa sa isang taong nakaaksidente kung ito ay nakapatay dahil mahaharap naman ito sa kasong reckless imprudence resulting in homicide, ayon sa abogado.

"Kapag homicide, umaabot 'yan ng 6 years, maliban dya'n 'yung damages, kung ano 'yung naging damages na na-incur nu'ng nabiktima mo. Maliban sa meron ka ng kulong ay babayaran mo pa 'yon," ani Castro.

Kung wala namang pambayad, puwede umanong idagdag ang danyos na babayaran sa araw ng pagkakakulong, paliwanag ng abogado.

Samantala, maaari naman umanong magkaroon ng "justifying circumstance" kung mapapatunayan ng isang nakaaksidente na hindi ito nagpabaya.

"Halimbawa, ikaw ay nagda-drive, tama lang ang iyong pagmamaneho, nasa linya ka, madilim, biglang may tumawid. Ikaw naman ay 'di ka nagpabaya sa iyong pagda-drive, so ito 'yung aksidente, pero maaari mong idepensa na hindi ka nagpabaya," paliwanag ni Castro.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.