7 tiklo sa droga sa QC

ABS-CBN News

Posted at Feb 17 2018 04:31 AM

Arestado ang 7 lalaki sa magkahiwalay na operasyon kontra-droga sa Quezon City Biyernes ng gabi.

Unang hinuli ang 4 na lalaki matapos mabilhan ng marijuana ng mga operatibang nagpanggap na buyer sa Barangay West Fairview.

Narekober sa kanila ang 57 sachet ng hinihinalang marijuana na nagkakahalaga ng P50,000.

Ayon kay Chief Insp. Sandie Caparroso, hepe ng Batasan Police Station Drug Enforcement Unit, 2 linggo nilang minanmanan ang mga suspek matapos ituro ng mga sumuko sa Oplan Tokhang.

Inamin ng isa sa mga suspek na sa kaniya ang nakuhang marijuana.

Gagamitin umano sana niya ang perang kikitain para sa piyansa ng kapatid na nakakulong sa Rizal.

Ayon sa suspek, online buyers ang kanyang mga parokyano.

Isang menor de edad din ang kaniyang ginagamit para makipagkita sa mga bibili ng marijuana.

Kalaboso rin ang isa pang lalaki sa Batasan matapos mahulihan ng hinihinalang shabu.

Sa Barangay San Martin de Pores, Cubao naman, arestado ang 2 lalaki sa ikinasang buy-bust operation.

Nasamsam sa kanila ang 8 sachet ng hinihinalang shabu.

Pinabulaanan naman ng mga suspek na sangkot sila sa pagtutulak.

Ayon kay Supt. Benjie Tremor ng Quezon City Police District - Station 7, marami pa rin umanong pasaway kaya patuloy ang kanilang mga operasyon laban sa ilegal na droga.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. - ulat ni Arra Perez at Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.