2 miyembro umano ng 'budol-budol' gang, timbog sa Caloocan

Isay Reyes, ABS-CBN News

Posted at Feb 17 2018 11:16 AM

Dalawang lalaki ang inaresto ng pulisya matapos ireklamo ng babaeng nabiktima nila umano sa pamamagitan ng budol-budol sa Caloocan City.

Sa isang mall nahuli ang dalawang suspek na kinilalang sina Bienvenido Flores, 45, at Arwin Pineda, 25, habang kumakain matapos makapambiktima. 

Ayon sa pulis, isang babae ang nag-reklamo na naloko at kinuha ang cellphone niya. 

Umamin ang dalawa sa kanilang modus na tila role-playing. Ang isa ay magpapanggap na magpapatulong at hihingi ng direksyon. Habang kausap ang bibiktimahin, lalapit ang isa pa saka mag o-offer na tumulong pumunta sa kanilang destinasyon. 

Kung kakagat ang biktima, dito na nila gagawin ang kanilang raket na pagpapakita ng budol money. 

Ayon sa mga suspek, hindi naman daw sila namimilit ng bibiktimahin. Pinag-aaralan din umano nila ang mga ito bago ang lahat. Nagsisisi sila sa mga nagawa na dala lang daw ng hirap. 

Pinag-iingat naman ng pulisya ang publiko sa mga di kakilalang tao lalo na’t kung ang usapin ay hinggil sa pera.

Kadalasan kasing nabibiktima ng mga ito ang masisilaw sa pera na ipapakita ng mga budol suspects. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.