Amy Perez, emosyonal sa pagnanakaw ng kasambahay

ABS-CBN News

Posted at Feb 17 2017 11:44 AM | Updated as of Feb 17 2017 03:53 PM

MANILA - Naging emosyonal si Amy Perez sa isyu ng pagkakaaresto ng kanilang kasambahay na si Melrose Besano matapos nilang sampahan ito ng kasong qualified theft.

Sa "Umagang Kay Ganda" nitong Biyernes, inamin ni Amy na masakit sa kanyang kalooban at ng kanyang pamilya na nagawa silang lokohin ng kanilang kasambahay matapos nila itong pagkatiwalaan sa loob ng apat na taon.

"Doon ako naiiyak sa part na hindi ko akalain, kasi pamilya namin siyang itinuring, halos kasama namin siya sa biyahe ng mga bata, doon ako nalulungkot na paanong nagawa niya kaming lokohin," aniya.
 
"Sabi ko nga sa kanya noon pa na, Rose, kapag may katarantaduhan kang ginagawa, lalabas 'yan sa kahuli-hulian. So ito nga, nalaman na rin namin. Mahirap talaga. Kasi apektado ang mga bata, apektado ako. Kasi ang mga bata nasanay na sa kanya, [parang] ate. Sayang talaga," paliwanag ni Amy.

Matapos ang pagkaaresto sa isinagawang entrapment operation ng Quezon City Police District, inamin ni Melrose na maliban sa pera ay nagawa rin niyang nakawan ng relo, pagkain at laruan ang pamilya nina Amy.

Sa panayam, humingi si Melrose ng tawad sa mag-asawa at iginiit na pinagsisihan niya ang kanyang mga nagawang kasalanan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.