Lubos ang pagdadalamhati Nicole Abulad para sa kaniyang ina na si Wilma Abulad Tezcan sa pagpanaw sa lindol matapos ang mahabang panahong pagtatrabaho sa Turkey.
Inuwi ni Tezcan ang labi ng kaniyang ina sa Lucena, Quezon. Pagdating sa Pilipinas, nandoon ang ama ni Tezcan na tahimik lamang ngunit nagdadalamhati sa pagpanaw ng anak.
Kuwento ni Abulad, nang mangyari ang lindol ay hindi na nila matawagan sa telepono ang kaniyang ina.
Dahil dito, bumiyahe siya ng 15 oras patungong Hatay Province para hanapin si Tezcan. Nang matagpuan ang bangkay ni Wilma, yakap pa nito ang ama ng kaniyang amo.
"Naghintay po kami ng apat na araw kasi wala pong halos tumutulong, wala pong sapat na equipment para po mahukay po 'yung mama ko. Noong nahukay po siya, nahukay po 'yung dalawang bangkay, kayakap niya po 'yung magulang ng amo niya," ani Abulad.
"Naiisip ko po noon na parang gusto niya iligtas dahil matanda na po 'yung lolo. Lolo po 'yung namatay hindi po 'yung lola," dagdag niya.
Pauwi na sana si Istanbul si Wilma at ang pamilya ng kaniyang amo matapos magbakasyon sa Hatay Province.
Pero dahil sa masamang panahon, nakansela ang kanilang flight hanggang sa abutan sila ng lindol na nagpaguho sa tinutuluyan nilang gusali.
"First earthquake po sabi po daw nung lola, kasi naririnig po niya na humihingi ng tulong si Mama, sabi niya 'Anane, help me, I'm not ok'. Anane po means grandmother. Pero the second earthquake po, doon na gumuho 'yung building. Hindi na po nila na-rescue," ani Abulad.
Sa kanilang bahay sa barangay Ilayang Dupay sa Lucena City sa Quezon nakalagak ang labi ni Tezcan.
Hindi pa rin matanggap ng kaniyang pamangkin na si John Rhen Abulad na wala na ang kaniyang tita na tumulong para siya ay makapag-aral.
"Sobrang bait po niya, lahat po ay ginagawa niya para maiahon kami sa kahirapan. Napakasakit po kasi nawalan kami ng isang pamilya, hindi na matutupad 'yung plano namin na kasama siya. Kulang na po. Plano niya na uuwi siya nang taon-taon, magba-bonding kami," ani Abulad.
Para sa kapatid ni Tezcan na si Wilson Abulad, ang naging bakasyon noong DIsyembre ang pinakamasayang alaala niya sa kaniyang ate nang sila ay mamasyal nang buong pamilya sa Baguio.
Tiniyak ng Department of Foreign Affairs (DFA) na tutulungan nila ang pamilya ni Tezcan.
Ayon kay DFA Undersecretary Eduardo de Vega, nailibing na sa Turkey ang isa pang Pinay na nasawi alinsunod sa kagustuhan ng asawang Turkish.
-- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.