PatrolPH

Chartered flight na umano'y di ininspeksyon, iniimbestigahan ng MIAA

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at Feb 16 2023 05:49 PM


MAYNILA — Iniimbestigahan na ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang insidente kaugnay ng isang chartered flight patungong Dubai na umano'y hindi dumaan sa inspeksyon. 

Batay sa paunang imbestigasyon, sinabi ng MIAA na kumpleto sa entry-exit clearance ang flight N9527E noong Pebrero 13 mula sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP). 

Mayroon din umano itong aircraft exit clearance mula sa police Aviation Security Group (AVSEGroup) at dumaan sa MIAA para sa pagpasok ng mga sasakyang lulan ang mga pasahero papunta sa Balagbag ramp.

Ito ang mga paunang impormasyong nakalap ng MIAA mula sa Globan Aviation Corporation na ground handling company ng naturang chartered flight.

Dumaan din sa Bureau of Immigration (BI) ang mga pasahero, ayon sa MIAA.

Pero nanindigan ang AVSEGroup na hindi dumaan sa kanilang pre-flight inspection ang chartered flight bago makalipad.

“We were not allowed to conduct the pre-flight inspection, that’s why I reported this incident to the concerned agency,” sabi ni AVSEGroup chieif Col. Rhoderick Campo.

Ayon kay Campo, mandato ng AVSEGroup na gawin ang pre-flight inspection lalo’t may intelligence report na natanggap ang kanilang opisina.

“There was an intelligence report from a confidential informant that there will be undocumented aliens who will travel going to other countries,” ayon kay Campo.

Tumangging magbigay ng pahayag ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), pero kinumpirma rin ng ahensya na nabigyan ng clearance ang chartered flight para makalipad.

Humiling na ang AVSEGroup ng full investigation sa MIAA, Office for Transportation Security, CAAP, at Bureau of Immigration kaugnay ng insidente.

Tumanggi rin namang magbigay ng pahayag ang operations manager ng Globan Aviation Corporation pero handa umano silang makipagtulungan sa imbestigasyon.

Sa isang pahayag, sinabi naman ni Bureau of Immigration Commissioner Norman Tansingco na dumaan sa "derogatory checks" at sumunod sa mga proseso ng immigration ang 10 indibidwal na lulan ng eroplano.

Sa emergency meeting na ipinatawag ng Office of the Transportation, ipinaliwanag ng representatives ng immigration na isa lang sila sa maraming ahensiya na nagsasagawa ng inspeksiyon ng mga papaalis at parating na flights.

"The entrance of other individuals in the airport premises does not fall under the jurisdiction of the BI," ani Tansingco. 

"Our officers only process passengers, following the official General Declaration," dagdag niya.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.