PatrolPH

Limited face-to-face classes sinimulan na sa Rizal

ABS-CBN News

Posted at Feb 16 2022 04:51 PM

Mula sa DepEd Tayo Blue Rizal Alas-Asin Elementary School Facebook Page
Mula sa DepEd Tayo Blue Rizal Alas-Asin Elementary School Facebook Page

RIZAL — Nagsimula na ang limited face-to-face classes sa Alas-Asin Elementary School sa Tanay, Rizal nitong Lunes, Pebrero 14, para sa mga nasa Kindergarten hanggang Grade 3.

Excited ang school teacher-in-charge na si Gelyn Sucapco at mga kapwa guro, maging ang mga magulang at mga mag-aaral sa pagsisimula ng klase.

Ibinahagi nila sa "Bayan Mo, iPatrol Mo" ang mga larawan na kuha noong unang araw at ngayong ikatlong araw ng kanilang pagbabalik-paaralan.

Ayon kay Sucapco, noong Pebrero 14, pinagsabay ang simulation ng face-to-face learning at pagsalang nila sa validation at final evaluation para sa kahandaan ng kanilang paaralan.

Pero bago pa man ito, dumaan na sila sa iba’t ibang evaluation process para masiguradong handa ang kanilang paaralan sa pagtanggap muli ng mga estudyante.

Dagdag pa niya, tuloy-tuloy na ang kanilang limited face-to-face classes na binubuo ng 41 mag-aaral mula Kindergarten hanggang Grade 3, na lahat ay may pahintulot mula sa kanilang mga magulang. 

Ang kanilang klase ay mula Lunes hanggang Biyernes, mula alas-7 hanggang alas-11 ng umaga.

“Basta po vaccinated ang mga magulang, pumayag sila na mag-attend sa face-to-face ang anak, at higit sa lahat walang commorbidities ang bata," ani Sucapco.

Mula sa DepEd Tayo Blue Rizal Alas-Asin Elementary School Facebook Page
Mula sa DepEd Tayo Blue Rizal Alas-Asin Elementary School Facebook Page

Pagtitiyak ng pamunuan ng Alas-Asin Elementary School, nasusunod ang mga health protocol gaya ng physical distancing, palagiang pagsusuot ng face mask, at paghuhugas ng kamay kung kinakailangan sa bawat klase. Naglagay rin sila ng mga temperature checks at alcohol stations sa kanilang paaralan.

Ang ibang mga mag-aaral na hindi nakasali sa face-to-face learning at mga mag-aaral mula Grade 4 hanggang Grade 6 ay gumagamit naman ng modular distance learning sa kanilang pag-aaral.

Ayon sa Department of Education-Rizal, isa ang Alas-Asin Elementary School sa mga unang nagsagawa ng face-to-face classes, kasama ang Sampaloc Elementary School at Monte de Tanay Elementary School sa Tanay, Rizal.

KAUGNAY NA ULAT

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.