MAYNILA—Nasagip ng mga bombero ang isang stray dog o asong-gala na nahulog sa isang manhole sa Barangay Igpit sa bayan ng Opol, Misamis Oriental Huwebes ng hapon.
Makikita sa video na ibinahagi ng Opol Fire Station ang pagresponde nila sa na-trap na aso sa isang ginagawang subdivision.
Pinasok ni FO1 Jan Kevin Adag ang box-type manhole na may halos 3 metro ang lalim gamit ang ladder. Napag-alaman din nilang bulag ang nasabing aso.
"'Yung sinabi sa amin nung tumawag, mag-24 hours na rin na na-trap sa manhole ang aso," ani Adag.
Ayon sa bombero, naging madali ang pagsagip sa aso dahil hindi ito nagpumiglas. Kinarga ni Adag ang aso palabas ng manhole.
Natuwa naman ang mga residente at nagpasalamat sa mga bombero dahil naawa sila sa lagay ng aso.
Agad namang umalis ang aso matapos ma-rescue, pero dinala pa rin ito sa isang animal welfare group.
"May tumawag na residente dito sa amin para ipagbigay-alam na tinawagan nila 'yung animal welfare group dito sa area para sa kondisyon ng aso," ani Adag.
Bukod sa mga insidente ng sunog, ayon sa Opol Fire Station, handa rin silang sumagip sa mga nangangailangan ng rescue.
KAUGNAY NA ULAT
—Ulat ni Hernel Tocmo
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
Regional news, Regions, Tagalog news, BMPM, Bayan Mo Ipatrol Mo, Opol, Misamis Oriental, aso, dog, animals, rescue, sagip, manhole, blind dog, bulag na asoq