MAYNILA – Ibinasura ng Korte Suprema, na nagtipon bilang Presidential Electoral Tribunal (PET), ang election protest ni Bongbong Marcos laban kay Vice President Leni Robredo, ang kandidatong tumalo sa kaniya noong 2016 elections.
Ayon kay Supreme Court (SC) spokesman Brian Keith Hosaka, unanimous o nagkaisa ang mga mahistrado sa desisyong ibasura ang protesta ni Marcos, na 5 taon nang nakabinbin.
"Today, 16 February 2021, the Supreme Court sitting as the Presidential Electoral Tribunal unanimously dismissed the electoral protest filed by former Senator Bongbong Marcos Jr. against Vice President Leni Robredo," ani Hosaka.
Ayon kay Hosaka, 7 mahistrado ang sumang-ayon nang buong-buo sa dahilan ng pagkakabasura, habang walo ang sumang-ayon lang sa resulta — ibig sabihin, iba ang dahilan pero pareho ang kongklusyon nilang dapat ibasura ang protesta.
Hindi naman idinetalye ni Hosaka kung ano ang nilalaman ng desisyon ng mga mahistrado.
Ayon sa sources ng ABS-CBN News, nabigo ang kampo ni Marcos na patunayang may electoral fraud na naganap.
Pawang generic at paulit-ulit umano ang mga alegasyon ng dayaan ni Marcos pero walang binanggit na partikular na mga detalye tulad ng oras, lugar at paraan ng pandaraya.
"[The] allegations were bare, laden with generic & repetitious allegations, no critical information as to time, place, and manner of irregularities," ayon sa source.
Bigo rin si Marcos na maipakitang may substantial recovery sa initial recount sa tatlong probinsiyang kanyang pinili — ang Camarines Sur, Iloilo at Negros Oriental — dahil lalo pang lumaki ng 15,000 ang lamang ni Robredo sa inilabas na resulta ng recount noong Oktubre 2019.
Nasa 263,000 lang ang lamang ni Robredo kay Marcos nang maiproklama noong Hunyo 2016, isa sa pinakaliit na agwat sa kasaysayan ng halalan sa Pilipinas.
Tatlo ang basehan ni Marcos sa election protest:
Una, kinuwestiyon niya ang resulta ng 2016 national elections, na ibinasura agad ng PET noong Agosto 2017.
Pangalawa, ang recount sa halos 30 probinsiya na nagresulta sa paglamang pa lalo ni Robredo sa 3 pilot provinces.
Pangatlo, may dayaan umano sa 3 probinsiya sa Mindanao — sa Lanao del Sur, Basilan at Maguindanao.
Gusto ni Marcos na dumiretso na sa third cause of action dahil kaya pa raw niyang lamangan si Robredo kapag naisantabi ang halos 500,000 boto na nakuha ni Robredo sa 3 probinsiya.
Pero ayon sa PET, malinaw sa PET rules na kapag walang substantial recovery sa pilot provinces, puwede nang ibasura ang kaso.
Walang inilalabas pang kopya ng desisyon o iba pang impormasyon ang SC, pero ayon sa source, si Associate Justice Marvic Leonen ang nagsulat ng desisyon.
Minsan nang pina-inhibit ni Marcos si Leonen sa kaso dahil biased umano ito laban sa mga Marcos pero tinanggihan ito ng PET dahil sa kawalan ng basehan ng alegasyon.
Pero giit ng tagapagsalita ni Marcos na si Atty. Vic Rodriguez, ang second cause of action lang ang na-dismiss at hindi ang third cause of action hinggil sa dayaan umano sa Mindanao.
Pero paglilinaw ng SC, ang buong protesta ni Marcos ang ibinasura pati na rin ang counter-protest ni Robredo.
Puwede namang magsumite pa ng motion for reconsideration ang kampo ni Marcos sa PET.
Pero ayon kay dating SC spokesman Ted Te, kahit maaaring maghain pa si Marcos ng motion for reconsideration, baka mahirapan na siyang kumbinsihin ang mga mahistrado lalo't unanimous ang naging desisyon.
Masaya naman si Robredo sa naging desisyon ng PET. Aniya, panahon na para magkaisa ngayong may hinaharap na krisis ang bansa.
"Ang hinihingi ko lang sa lahat lalo na siguro sa supporters natin is to put this rancor behind us and let us move forward together. Maraming pinagdadaanan 'yung ating bansa ngayon. Marami tayong kahirapan na pinagdadaanan. Isantabi muna natin, isantabi muna natin 'yung mga sama ng loob, isantabi muna 'yung mga hindi pagkakaintindihan, isantabi muna 'yung away, kasi maraming umaasa sa 'tin," sabi ni Robredo.
Ang mga kaalyado ni Robredo, natuwa rin sa desisyon ng PET.
"We welcome the ruling although how we wish this had been resolved much sooner because it affirms what we have been saying from Day 1 which is that the allegations of cheating in the protest was baseless and unfounded," ani Sen. Francis Pangilinan.
"I... am pleased with the favorable decision of the PET," sabi ni Sen. Franklin Drilon.
Sa isang pahayag naman, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na nirerespeto ng Palasyo ang SC.
"Iyan ay desisyon ng Kataastaasang Hukuman, we respect that, and we respect also that the camp of Sen. Bongbong Marcos has a further remedy of moving for reconsideration," sabi ni Roque.
–May ulat ni Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
TV PATROL, TV PATROL TOP, PatrolPh, Tagalog news, balita, Bongbong Marcos, Marcos, BBM, Leni Robredo, PET, SC, halalan, election protest, Supreme Court, Liberal Party, Presidential Electoral Tribunal, LP, Korte Suprema, Halalan2016