Isang returning overseas Filipino na residente ng Ilocos Norte ang nagpositibo sa COVID-19 UK variant.
Sa Facebook page ng provincial government ng Ilocos Norte, inanunsiyo nito na isang 46 anyos na returning overseas Filipino na residente ng Barangay Sulongan, Pasuquin, Ilocos Norte ang nagpositibo sa UK variant.
Bumiyahe ito mula Bahrain noong January 23 at nang dumating ay nagpositibo ito kaya na-quarantine sa Metro Manila mula January 24 hanggang February 7.
Dumating ito sa Ilocos Norte noong February 8 at inilipat sa Foyer de Charite Quarantine Facility noong February 10.
Nakasaad rin sa official statement na noong February 13, ipinaalam ng Department of Health sa lalawihan na ang residente ay positibo sa UK variant at inabisuhan na magsagawa ng contact tracing.
Agad namang nagsagawa ng contact tracing at nakilala ang mga nakasalamuha ng nasabing residente. Sasailalim ang mga ito sa swab testing.
Naka-isolate na ang nasabing residente simula nang makapasok siya sa lalawigan.
Tiniyak naman ng pamahalaang panlalawigan ng Ilocos Norte na mahigpit na ipinapatupad sa lalawigan ang mga patakaran sa pagpasok at paglabas ng mga residente laban sa paglaganap ng COVID-19.
- ulat ni Grace Alba
RELATED VIDEO
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
Ilocos Norte, Pasuquin, COVID-19 UK variant, coronavirus UK variant, Tagalog news