Mga commuter sa Agham Road, Quezon City noong Oktubre 15, 2020. Mark Demayo, ABS-CBN News/File
Binabantayan ngayon ng Department of Health (DOH) ang pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa 8 siyudad sa Metro Manila at 2 pang rehiyon.
"Nakakakita pa tayo ng tuloy-tuloy na pagbaba ng mga kaso natin nitong nakaraang 2 linggo... Ang NCR (National Capital Region) bagama't naka-negative na 'yung kanilang growth rate, ibig sabihin mas kaunti na 'yung nare-report nila kasi nitong nakaraang linggo, nakita natin may 8 siyudad na dumadami ang nare-report nilang kaso," sabi ngayong Martes ni Dr. Alethea de Guzman, medical specialist IV ng DOH Epidemiology Bureau.
Kasama sa mga lungsod ang Valenzuela, Pasay, Malabon, Pasig, Makati, Navotas, Las Piñas, at Maynila.
Sa Central Visayas, nakita ang pagtaas sa lalawigan ng Cebu, Cebu City, Lapu-Lapu, Mandaue, at Bohol.
Apektado naman ng pagtaas ng mga kaso ang buong Caraga region, maliban sa Agusan del Sur.
Sa kabila nito, hindi naman ganoon kataas ang hospital utilization o pagkapuno ng mga ospital sa mga nasabing lugar, maliban sa Agusan del Norte na nasa "high risk."
"It’s a priority now for the region and the province to ensure that we have additional dedicated beds para hindi ma-push to even higher or to critical risk and kanilang health care utilization rate," ani De Guzman.
Ayon sa DOH, mainam na magamit ang mga localized na community quarantine para malimitahan ang pagkalat ng sakit habang patuloy naman sa pagsunod sa health protocols ang mga nakatira kahit sa mga lugar na hindi masyadong nakikitaan ng COVID-19 cases.
Ito rin umano ang estratehiya para sa mga lugar na nakikitaan ng United Kingdom variant ng virus, na sinasabing mas nakakahawa.
Sa 44 kaso ng UK variant sa bansa, 40 ay gumaling na habang 3 ang may sakit at isa ang namatay.
Kasama sa mga gumaling ang ginang na may anak na nagtatrabaho sa MRT, na kamakailan lang ay nakapagtala rin ng maraming kaso.
Ayon sa DOH, titingnan pa lang kung may UK variant din ang mga contact ng naturang ginang.
Samantala, tinatrabaho rin ng gobyerno ang pagtulong sa pribadong sektor upang makakuha ng dagdag na dose ng bakuna kontra COVID-19 mula Novavax, lalo't hindi na tumatanggap ng order ang ibang vaccine developers.
Sa pamamagitan umano ng kasunduan sa Unilab, kahit ang mga maliliit na negosyo ay makakabili ng bakuna.
Umaasa umano ang gobyerno na darating sa Pilipinas ang mga bakuna ng Novavax sa third quarter ng 2021.
-- Ulat ni Kristine Sabillo, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, Department of Health, Covid-19, Covid-19 cases, Covid-19 UK variant, National Capital Region, Caraga, Central Visayas, Cebu, Bohol, coronavirus Philippines update, Novavax, vaccine, TV Patrol, Kristine Sabillo, bakuna, Novovax, vaccine