PatrolPH

Mga guro idinaan sa sayaw ang protesta para sa allowance, benepisyo

Wheng Hidalgo, ABS-CBN News

Posted at Feb 16 2021 06:35 PM

Mga guro idinaan sa sayaw ang protesta para sa allowance, benepisyo 1
Idinaan sa sayaw ng grupong Alliance of Concerned Teachers ang kanilang protesta para ilabas ang kanilang mga hinaing, Pebrero 16, 2021. ABS-CBN News

MAYNILA — Idinaan sa sayaw ng grupong Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang kanilang protesta para ipanawagan na ibigay ang kanilang mga benepisyo at taasan ang kanilang mga sahod.

Dahil kakatapos lang ng Valentine's Day, nadudurog umano ang puso ng mga guro kaya nagsayaw sila sa awiting "Achy Breaky Heart" sa harap ng tanggapan ng Department of Education-National Capital Region sa Quezon City.

Ayon kay ACT-NCR Union President Vladimer Quetua, kasama sa mga hinihiling nila ang performance-based bonus (PBB), service recognition incentive (SRI) at monthly communication allowance.

"Idinaan namin sa sayaw kasi tamang-tama 'yon para simbolikong maipakita namin na nagdurugo ang aming puso sa usapin ng benepisyo," ani Quetua.

"Sa usaping SRI na imbes na P10,000 ay P6,190 lang," aniya.

Hindi rin daw sapat ang P300 reimbursement na ibinibigay sa kanila ng DepEd kada buwan para sa communication expenses kaya hiniling nilang itaas ito sa P1,500 kada buwan.

Ayon naman kay Joy Dulnuan, head of personnel ng DepEd-NCR, ite-take note ng kagawaran ang mga isyu ng mga guro.

Nauna nang ipinaliwanag ni Education Undersecretary Annalyn Sevilla na batay sa isang administrative order, nasa P10,000 ang maximum na SRI na puwedeng ibigay ng government agencies sa kada empleyado.

Pero sa pooled savings ng ahensya kinukuha ang SRI, na paghahatian ng eligible employees. 

Sa savings ng DepEd sa 2020 budget, nailaan ang P6,190 na SRI sa kada empleyado, ani Sevilla.

Ongoing naman ang evaluation, validation at accreditation ng PBB. At kapag eligible ang DepEd, ilalabas ang pondo direkta sa regional offices ng ahensya. 

FROM THE ARCHIVES:

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.