PatrolPH

Cake shop nasunog sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Feb 16 2021 02:29 PM

Cake shop nasunog sa Maynila 1
Inaalam pa ng Bureau of Fire Protection ang sanhi ng sunog sa isang cake shop sa Tondo sa Maynila na umabot ng unang alarma. ABS-CBN News

MAYNILA - Nasunog madaling araw ng Martes ang isang cake shop sa Tondo sa Maynila. 

Ayon kay Fire Insp. Cid Vincent Manaig, station commander ng Manila Fire District Station 5, nakatanggap sila ng tawag bandang ala-1 ng umaga na may sunog sa loob ng tindahan sa Alvarado Extension sa Tondo, Maynila. 

Kuwento ng tanod ng Barangay 259 na si Alvin Superales, nagpapahinga siya sa tabi ng cake shop nang sumiklab ang sunog. 

"Natutulog kami dyan bigla pumutok, umapoy na, ginising ko mga nakatira diyan. Sa 2nd floor tumawid sila doon. Doon sila lumabas, alalay namin," ani Superales. 

Naapula ang sunog mag-a-alas-2:30 ng madaling araw, ayon kay Manaig. 

Mula sa bintana ng ika-2 palapag dumaan ang mga empleyado na nakatira sa loob ng tindahan. 

Hirap makalakad ang isang staff na tumalon mula sa gusali. 

Inaalam pa ng Bureau of Fire Protection ang sanhi ng sunog na umabot sa unang alarma. 

Kaya paalala nila, mag-ingat at laging i-check ang electrical wiring at appliances. 

"Kahit sa gitna ng pandemya maaari pa rin masunog, paalala sa kababayan isaalalang natin," ani Manaig.

Nagpapatuloy pa ang imbestigasyon sa sunog. 

-- Ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.