PatrolPH

6 tindahan ng imported meat sa QC inisyuhan ng notice of violation dahil walang chiller

ABS-CBN News

Posted at Feb 16 2021 07:54 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Anim na tindahan ang inisyuhan ng notice of violation sa isinagawang inspeksiyon ng National Meat Inspection Service sa mga pamilihan sa Quezon City.

Dalawang wet market at isang supermarket ang inikot ng NMIS regional office ng Metro Manila umaga ng Martes para sa operasyong ikinasa para masita ang mga paglabag sa mga panuntunan sa pagbebenta ng imported frozen meat. 

Nakita sa inspeksiyon na walang freezer o kaya naka-display ang ilang frozen meat na ibinebenta sa pamilihan. 

Ayon sa panuntunan ng NMIS, bawal i-display ang karneng imported at dapat may freezer ang puwesto. Katuwiran ng NMIS, posibleng maging sanhi ng food poisoning ang mga imported na karneng natunawan ng yelo. 

Paliwanag naman ng marketing officer ng Mega Q Mart na si Renato Abawag, inaayos pa nila ang mga freezer na ilalagay sa mga puwesto. 

Imported na karne ang ibinebenta ng mga tindero ngayon dahil walang makuhang suplay ng baboy at wala pa rin silang natatanggap na baboy mula sa Department of Agriculture. Ito'y dahil sa pagtama ng African swine fever sa suplay sa bansa.

Binigyan naman ng NMIS ng palugid ang mga puwesto na maglagay ng ice beds o chiller. Pero sa susunod na linggo ay magkukumpiska na sila ng mga nakatiwangwang na karne. 

— Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.