Pulis na nahulihan ng shabu, armas noong 2016 nakalaya na

ABS-CBN News

Posted at Feb 16 2020 06:11 PM | Updated as of Feb 16 2020 06:30 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Nakalaya na matapos ma-dismiss ang kaso ng isang pulis-Maynila na nahulihan ng sangkaterbang droga, armas, at halos P7 milyon cash sa kaniyang bahay noong 2016.

Na-dismiss kamakailan ang kasong illegal possession of drugs at paraphernalia laban kay Police Officer 2 Jolly Aliangan sa pamamagitan ng desisyon ni Judge Daniel Villanueva ng Manila Regional Trial Court Branch 49.

Ayon sa hukom, hindi maayos ang implementasyon ng search warrant sa nangyaring raid sa bahay ni Aliangan sa Sampaloc, Maynila noong 2016.

Kinuwestiyon din ang pagkakaimbentaryo at paglipat ng kustodiya ng droga.

Pero sa memo na inilabas ng Department of Justice (DOJ), iginiit ng kagawaran na may koordinasyon at maayos ang pagkakakuha ng ebidensiya sa bahay ni Aliangan.

Pinag-aaralan pa ng DOJ kung maghahain pa sila ng motion for reconsideration sa desisyon o deretso nang aapela sa Court of Appeals.

Noong 2016, pinasok ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang bahay ni Aliangan, kung saan nakuha ang higit 200 gramo ng shabu at ilang gramo ng marijuana.

Nakuha rin sa operasyon ang ilang armas, P6.9 milyon cash, at 6 sasakyan kabilang ang isang SUV na may pekeng plaka.

Inaresto rin ang misis ni Aliangan na nagkulong umano sa banyo para mag-flush ng droga sa toilet.

Naka-assign sa anti-drugs unit ng National Capital Region Police Office noon si Aliangan, na ayon sa NBI ay konektado sa isang drug lord.

-- Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.