Higit 500 Pinoy crew sa Diamond Princess cruise ship nakatakdang i-repatriate

ABS-CBN News

Posted at Feb 16 2020 06:15 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Higit 500 Pinoy seaman sa loob ng naka-quarantine na cruise ship sa Japan ang nakatakdang i-repatriate ng Department of Labor and Employment (DOLE) dahil sa paglobo ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) cases sa loob ng naturang barko.

Ngayong Linggo, kinumpirma ng health minister sa Japan na may panibagong 70 bagong nagpostibo sa COVID-19 mula sa cruise ship na Diamond Princess na dumaong at naka-quarantine sa Yokohama.

Sa kabuuan, umakyat na sa 355 ang mga kaso ng COVID-19 mula sa Diamond Princess cruise ship, 11 dito ay mga tripulanteng Pinoy.

"Iyung mga uuwi na kababayan natin eh as usual, they will be given the usual reintegration program from OWWA (Overseas Workers Welfare Administration). Before I left, [Health] Secretary [Francisco] Duque called me and asked me to call 'yung manning agency, 'yung Magsaysay, dahil iuuwi namin yung 500 plus na crew member [from Diamond Princess]. Sabi niya paki-request naman ang Magsaysay Manning Agency to provide 'yung quaratine facility," sabi ni Bello sa DZMM.

Noong mga nakaraang linggo, nauna nang nakansela ang deployment ng ilang mga seaman sa Hong Kong, Macau, at mainland China dahil na rin sa travel ban bunsod ng COVID-19.

Pagpapabalik sa HK ng OFWs pag-aaralan

Samantala sa isang tweet, sinabi ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin, Jr. na tiwala siya sa kapasidad ang Hong Kong na pigilan ang pagkalat ng COVID-19 kaya pag-aaralan na pabalikin na doon ang HK-based OFWs na na-stranded sa Pilipinas matapos maabutan ng travel ban.

Sa tala ng World Health Organization hanggang Pebrero 15, umakyat na sa mahigit 60,000 ang kaso ng COVID-19 sa China at mahigit 1,500 ang namatay na rin dito, habang may karagdagang 218 kaso sa iba pang mga bansa.

—Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.