2 bangkay ng lalaki natagpuan sa tabi ng kalsada sa Davao del Sur

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Feb 16 2020 11:50 PM

BANSALAN, Davao del Sur - Dalawang bangkay ng lalaki ang natagpuan sa tabi ng kalsada sa Barangay Kinuskusan sa Bansalan, Davao del Sur Linggo ng umaga.

Ayon sa residenteng si Salvacion Erebias, natunton nila ang mga bangkay dahil sa masangsang na amoy sa lugar.

Dalawampung metro lang ang layo ng bahay ni Erebias sa lugar kung saan natagpuan ang mga bangkay ng dalawang lalaki.

"Di ko talaga kinaya ang baho kaya tinunton ko sa kalsada akala ko daga o baboy 'yon pala nakita ko kamay nakagapos," aniya.

Ayon sa pulisya, posibleng patay na ang dalawa nang itinapon sa damuhang bahagi sa tabi ng kalsda.

Ang isang lalaki ay may tama ng bala sa dibdib habang ang isa naman ay may sugat sa leeg.

Nakabalot din ng cellophane ang kanilang ulo at nakagapos ang kanilang mga kamay sa likod.

Hirap nang makilala ang mga biktima dahil nasa state of decomposition na ito.

Kinilala lamang sila base sa kanilang suot na damit. Nakasuot ng pula na t-shirt at brown pants ang isang lalaki habang naka-navy blue shirt at black pants ang isa pa.

"Mahirap na talaga silang ma-identify dahil nasa state of decomposition na sila, so ginawa ng crime lab kinuhanan sila ng swab para makuha ang DNA," ani Police Major Peter Glenn Ipong, hepe ng Bansalan Police.

Agad na inilibing sa Bansalan Public Cemetery ang dalawang lalaki.

Nanawagan ang pulisya sa sino mang nawalan ng kapamilya o kamag-anak na makipag-ugnayan agad sa kanila.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.