SOCO: Lalaki suspek sa pagpaslang sa misis, biyenan

ABS-CBN News

Posted at Feb 16 2019 02:43 PM

Hanggang ngayon ay tinutugis pa rin si Rocel Dakila na nahaharap sa mga kasong parricide at murder matapos paslangin umano ang misis at biyenan. Retrato mula sa programang "SOCO"

Taong 2004 nang magsimula ang kuwentong pag-iibigan nina Joy at Rocel Dakila.

Noong una'y isinekreto pa nila ang relasyon, pero ipinagtapat din kalaunan sa kanilang mga pamilya. At matapos makakuha ng basbas mula sa mga magulang, napagdesisyunan nilang magpakasal.

 

"Si Kuya Rocel po, hindi mo makikitaan ng sama ng ugali. Kumbaga, happy-go-lucky," kuwento ni Princess Adriano, kapatid ni Joy.

Nang magkaroon ng mga anak, itinuon ng mag-asawa ang buhay nila para sa kapakanan ng lumalaking pamilya.

"Gusto niya po kasi lahat daw po kami makapagtapos ng pag-aaral, ganon. Huwag daw po gagaya sa kanila na hindi nakapagtapos ng pag-aaral," pag-alala ni Cristel, panganay nilang anak.

Hindi sapat ang kinikita ng dalawa sa pagkakawayan kaya napagdesisyunan ni Joy na mamasukan sa isang factory.

Pagbabago sa relasyon

Mula noon, nag-iba raw ang pakikitungo ni Rocel sa asawa.

"Doon sa trabahong 'yun, may naging ka-close siya (Joy)… Ayun nga po 'yung sinasabing pinagseselosan," ayon kay Princess.

May pagkakataon daw na naging pisikal si Rocel sa pagkompronta kay Joy.

"Pinagsasampal daw siya. Talagang totally buong mukha niya namaga tapos may mga pasa siya," ani Princess.

Noong Abril 27, 2018, nagkaroon ng inuman ang mag-asawa kasama ang isang kaibigan.

"Iyung pagmumura, pagtapik, pagduro-duro dito sa ulo niya, sinenyasan ko na si Joy. Sabi ko alis na ko... Tapos sabi naman ni Joy, tumango lang na parang bakas mo sa mukha niya na nahihiya," sabi ni Boyet, ang kaibigang kainuman noong araw.

Sa parehong araw, nagulantang ang anak ng mag-asawa na si Cristel sa nakitang eksena sa kanilang bahay. 

"Nakita ko na lang po tinatakpan ni papa ko 'yung mama ko ng kumot. Duguan po siya. Nung nakita po ako nung papa ko, ngumiti lang po si papa ko. Tapos nahalata po yata niya na tatakbo na'ko. Tapos ayun, hinabol niya po ako," sabi ni Cristel.

Nakatakbo si Cristel at dali-daling nagsumbong sa kaniyang lola at nanay ni Joy na si Betty Adriano. 

Mag-isa namang nagtungo si Betty sa bahay ng mag-asawa pero pati siya napagbuntunan ng galit ni Rocel.

Abangan ang buong kuwento sa "SOCO: Scene of the Crime Operatives" ngayong Sabado, 4:15 p.m. pagkatapos ng "Ipaglaban Mo!" sa ABS-CBN.

Sundan ang "SOCO" sa Facebook (fb.com/SOCOtv) at Twitter (@SOCOtv).
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.