Nanay, 2 anak natagpuang patay sa loob ng kanilang bahay sa Zamboanga

ABS-CBN News

Posted at Feb 16 2019 03:22 AM

ZAMBOANGA CITY - Natagpuang patay sa loob ng kanilang bahay ang isang nanay at 2 niyang anak sa Barangay Dita, Zamboanga City Biyernes ng umaga.

Ayon kay Chief Insp. Sonny Joe Amponin, hepe ng Police Station 2, madaling-araw pa nang mapansin ng asawa na hindi na humihinga ang kaniyang misis na si Imnang Dulong.

Lalo siyang nagulat nang mapansin na pati ang 2 nilang anak na babae, may edad 10 at 13, ay hindi na rin nagising.

Dagdag ni Amponin, wala silang nakitang sugat sa katawan ng mga biktima. Isinailalim sa pagsusuri ang mga labi para malaman ang sanhi ng kanilang pagkamatay.

Nasa bahay lang din ang asawa at isa pa nitong anak na lalaki nang mamatay ang mga biktima. Wala umano silang nakitang ibang tao na pumasok sa kanilang bahay ng gabing iyon.

Ayon kay Amponin, hindi pa nila matukoy sa ngayon kung may foul play sa insidente. Pero imposible umanong sabay-sabay namatay ang nanay at 2 nitong anak dahil sa sakit.

Hinihintay sa ngayon ng pulisya ang resulta ng eksaminasyon. Samantala, agad rin namang inilibing ang mga biktima alinsunod sa tradisyon ng Islam. - ulat ni RJ Rosalado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.