ALAMIN: Kailan maituturing na 'mapanira' ang isang artikulo?

ABS-CBN News

Posted at Feb 16 2019 08:33 PM

Noong Miyerkoles ay inaresto ang CEO ng Rappler na si Maria Ressa dahil sa reklamong cyber libel base sa artikulong inilathala nila noong 2012.

Pero ano nga ba ang basehan para sabihin na "libelous" o mapanira ang isang artikulo?

Ayon kay Atty. Claire Castro, maituturing na mapanira ang isang artikulo kung may malisya sa pagsulat nito.

"Kung ang [istorya] mo naman ay walang basehan tapos hindi mo na-interview 'yung ibang tao about this person, the malice is presumed," aniya sa programang "Usapang de Campanilla" ng DZMM.

Narito ang kahulugan ng libelo sa ilalim ng Revised Penal Code:

"Libel is a public and malicious imputation of a crime, or of a vice or defect, real or imaginary, or any act, omission, condition, status, or circumstance tending to cause the dishonor, discredit, or contempt of a natural or juridical person, or to blacken the memory of one who is dead."

Pero ayon kay Castro, may "gray line" ang depinisyong ito sapagkat posibleng ang intensiyon ng isang manunulat ay magbabala sa publiko ukol sa pagkatao ng isang tao, at hindi para tahasang siraan ito.

"May mga pagkakataon kasi na bakit mo kailangang isapubliko ito? Para maalarma ang tao na let's say may akyat-bahay... It's to make people aware or beware of this person," aniya.

Iginiit ni Ressa na pinag-iinitan lang sila ng gobyerno dahil sa pagpuna nila sa pamamahala ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.