3 patay, 7 sugatan sa karambola sa Quezon

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at Feb 16 2019 12:26 PM | Updated as of Feb 16 2019 12:28 PM

Wasak na wasak ang Mitsubishi Adventure na sinakyan ng tatlong nasawi sa karambolang kinasangkutan ng isang pampasaherong bus at van sa bayan ng Lopez sa Quezon province. Larawan mula sa Lopez Police Station

Dalawang bombero at isang retiradong pulis ang nasawi habang pitong iba pa ang sugatan sa karambola ng pampasaherong bus, van at AUV sa Barangay Pansol, Lopez, Quezon Province, Biyernes ng gabi.

Ayon sa report mula kay Senior Supt. Osmundo De Guzman, dead on the spot ang tatlong sakay ng Mitsubishi Adventure na kinabibilangan ng driver na si FO3 Ronaldo Alcala at mga pasahero nitong sina SFO2 Cleto Nataño, 52 anyos at retired Insp. Juanito Untiveros, 71.

Sugatan naman ang kasamahan ng mga nasawi na si Roderick Odi, isang personnel ng Bureau of Fire Protection. 

Nagtamo rin ng sugat sina Reynold Talain, 31, Aimee Lerum, 19, Marlex Mendegorin, 20, Dandy Severa, 21, Ariel Cris Principe, 22, at Lenon Erl Tagulinao, 19, na pawang sakay ng pampasaherong bus.

Itinakbo sila sa Magsaysay Memorial District Hospital.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ni PO1 Rafael Pintano ng Lopez Police, binabagtas ng Mitsubishi Adventure ang Maharlika Highway patungo sa direksyon ng Bicol Region nang subukang mag-overtake pero hindi na nakabalik sa linya kaya nasalpok ang kasalubong na P & O Transport Bus na minamaneho ni Julio Mayores.

Sinubukan pa umanong iwasan ng driver ng bus ang Adventure pero hindi na kinaya.

Dahil sa lakas ng pagkabangga, tumama ang Adventure sa isang Nissan Urvan na minamaneho naman ni Senen Regencia.

Bumangga rin ang bus at Adventure sa isang bahay.

Lumalabas na kapwa umano mabilis ang takbo ng Adventure at Bus.

Hawak na ng mga pulis ang driver ng bus na mahaharap sa mga kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide, multiple physical injury and damage to property.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.