Umano'y tulak, patay nang manlaban sa awtoridad

Mariz Laksamana, ABS-CBN News

Posted at Feb 16 2018 08:48 PM

CABUYAO CITY - Patay ang isang hinihinalang tulak ng ilegal na droga matapos umano manlaban sa isang buy-bust operation, Huwebes ng gabi dito sa siyudad.

Ikinasa ang operasyon sa Purok 6, Barangay Bigaa laban sa suspek na si Francisco Ribay, sinasabing tulak ng shabu sa lugar base sa natanggap na ulat ng pulisya mula sa ilang residente.

"As early as last year, nakakuha na kami ng information na ito ay may involvement sa drugs. Actually, sa lugar na 'yon, siya lahat 'yung nagpapatakbo ng drugs dun, 'yun nga lang, 'yung mga tao dun takot," pahayag ni Chief Insp. Jes Lintag.

Nakatunog umano si Ribay na pulis ang katransaksiyon niya kaya nauwi sa engkuwentro.

“Nakahalata siya na pulis 'yung ating nagpanggap na poseur buyer, umatras siya, bumunot, una siyang nagpaputok then gumanti na 'yung ating pulis. Nakatatlong putok siya," paliwanag pa ni Lintag.

Tumangging magbigay ng pahayag ang kinakasama ni Ribay pero pinabulaanan naman ng pinsan ng suspek ang umano'y ilegal na gawain nito.

"Siguro noon ganun pero ngayon hindi naman, wala na talaga. Ewan ko kung bakit nagkaganon. Kahit nga ako nabibigla rin talaga ako," sabi ni Dunhill Cervantes.

Narekober sa crime scene ang ginamit umanong kalibre .38 na baril ni Ribay at mga basyo ng bala. Nakuha pa umano kay Ribay ang ilang sachet ng hinihinalang shabu.

Naibigay na sa kustodiya ng Scene of the Crime Operatives ang lahat ng nakolektang ebidensiya.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.