Resort, hotel sa Boracay, pumalag sa mga 'maling' datos ng DENR

ABS-CBN News

Posted at Feb 16 2018 08:07 PM | Updated as of Aug 28 2019 02:38 PM

Watch more in iWantTFC

Dismayado ang dalawa sa 51 na mga resort at hotel sa Boracay na naisyuhan ng notice of violation dahil sa diumano'y maling datos ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Ayon sa tagapagsalita ng Cocomangas Shooters Bar, tatlong taon nang nakasara ang kanilang establisimyento matapos ibenta ang sangay nito na Cocomangas Wine Bar sa Station 1 na lumabag umano sa Clean Water Act. 

Nagtataka ang mga tagapamahala kung bakit nakalagay pa rin sa listahan ang naturang establisimyento. 

Ipinakita rin ng mga tagapamahala ang sertipikasyon na nagpapatunay na ang Cocomangas Shooters Bar ay sumusunod umano sa pagkonekta ng kanilang dumi sa sewerage system ng Boracay. 

Kumpleto rin umano sila sa discharge permit matapos na maisyuhan ng show cause order noong nakaraang taon.

Samantala, umalma rin ang may-ari ng Lugar Bonito Hotel matapos maisama sa listahan ng mga lumabag sa Clean Water Act.

Ayon kay Mrs. Carmen Guia-Aniceto, pitong buwan na ang nakalipas nang makasunod sila matapos maisyuhan ng notice of violation noong Hulyo ng nakaraang taon. 

Masama ang loob ni Aniceto dahil sa negatibong epekto nito sa kanyang establisimyento. 

Umaapela ang may-ari sa DENR na baguhin at beripikahin nang maige ang kanilang listahan bago ilabas sa publiko. 

Inilabas ang inisyal na listahan sa stakeholders meeting ng DENR, Environmental Management Bureau, at mga stakeholder ng Boracay sa Kalibo, Aklan noong Miyerkoles.

Sa kabila naman ng isyu ng dumi at basura sa Boracay, dagsa pa rin ang mga turista sa tanyag na isla.

Samantala, nangako ang Department of Tourism na tutulong ito para maayos ang mga problema ng tinaguriang island paradise.

--Ulat ni Nony Basco, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.