Pamilya ni Joanna Demafelis, handa na sa pag-uwi sa bangkay sa Iloilo

Cherry Palma, ABS-CBN News

Posted at Feb 16 2018 05:24 PM

Handa na ang pamilya Demafelis sa pagdating ng mga labi ni Joanna, ang domestic worker na natagpuang patay sa freezer ng isang abandonadong apartment sa Kuwait. Cherry Palma, ABS-CBN News

Handa na ng pamilya ni Joanna Demafelis, ang overseas Filipino worker (OFW) na natagpuang patay sa isang freezer sa Kuwait, sa pag-uwi sa kaniyang mga labi sa Sara, Iloilo Biyernes. 

Galit at paghihiganti ang nadarama ngayon ng pamilya lalo na nang malaman ang sinapit ng kaanak sa Kuwait.
 
“Sana mahanap nila ang gumawa nito sa anak ko. Sana gawin din sa kanila ang ginawa nila sa anak ko," ayon sa ina ni Demafelis na si Eva.

Sa autopsy report, bali-bali ang mga buto sa kamay, may mga pasa sa ibang bahagi ng katawan at nagkalasog-lasog ang kidney ng Pilipina, na huling nakitang buhay noong Setyembre 2016.

Nananawagan ng hustisya ang kaniyang pamilya. Hindi raw nila naramdamang tinutukan ang kaso ng kanilang anak.

Nauna na nilang sinabing hindi sila nabigyan ng tulong ng mga ahensiya ng gobyernong kanilang nilapitan matapos mawalan ng komunikasyon kay Demafelis noong 2016. 

Duda ng pamilya, nagalit ang amo ng kanilang anak nang mag-plano itong umuwi sa Pilipinas.

Kuwento pa ng ina ni Joanna, ilang beses niyang napanaginipan ang anak.

"Napanaginipan ko siya, sabi niya may pera daw sa maleta niya, kunin ko daw at ang kaniyang cellphone. Napakamabait na bata, marami siyang plano para sa amin," sabi niya. 

Samantala, kusang ipinasuri ng Department of Social Welfare and Development sa doktor ang ama at ina ni Demafelis kahapon matapos malamang ilang araw silang nawalan ng ganang kumain tuwing naaalala ang sinapit ng anak sa Kuwait. 

Binigyan sila ng vitamins at inabisuhang magpahinga muna.

Binisita rin sila ng mga kinatawan ng Presidential Management Staff, Biyernes ng umaga, pero tumanggi na silang magbigay ng pahayag sa news team.

Ayon sa kanila, may posibilidad na bumisita si Duterte sa pamilya sa susunod na linggo.

Ang pagkamatay ni Demafelis at ilan pang mga OFW sa Kuwait ay nagbunsod sa gobyerno na ipagbawal muna ang pagpapadala ng mga trahabador sa tinatawag na Gulf state. 

Hinikayat rin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga OFW sa Kuwait na umuwi na muna. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.