Pagkalapnos ng noo dahil sa abo, isinisi sa tinustang palaspas

ABS-CBN News

Posted at Feb 16 2018 10:09 PM | Updated as of Aug 28 2019 03:06 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

    
Tapos na ang Ash Wednesday pero sa noo ng ilang parokyano ng San Roque Cathedral Parish sa Caloocan, bakas pa rin ang marka hindi ng abo, kung hindi ng sugat na iniwan nito. 

Dalawang araw na ang nakakalipas pero patuloy pa rin ang pagpunta ng mga biktima para magpapahid ng gamot sa hapdi. 

Ang ilan, dumadaing na rin ng pagkakaroon ng lagnat matapos ang pagkakasugat. 

Marami sa mga nasugatan ang nagtataka at nais malaman kung paano nangyari ang insidente. 

Biyernes ng hapon ay ganap nang natukoy ng simbahan ang nakapagtatakang kaganapan noong Miyerkoles. 

Ayon sa lumabas na resulta ng chemical test na isinagawa sa abo, lumalabas na nasobrahan sa pagkakasunog ang mga palaspas na ginamit kung kaya't naging "acidic" ang abong ipinahid sa noo ng mga deboto. 

"Apparently naging caustic ashes. Nasobrahan sa pag-burn tayo," paliwanag ni Fr. Jerome Cruz, rector ng San Roque Cathedral Parish, bagaman tumanggi itong ipakita ang dokumento. 

Iba rin ang kulay ng abo na nasobrahan sa pagkakasunog. Kumpara sa karaniwang abo na kulay itim, kulay gray ang caustic ash na nagamit sa ilang nagsimba. 

Dahil dito, naniniwala ang simbahan na walang nanabotahe at aksidente lang ang nangyari. 

Gaya ng mga parokyanong nasunog ang mga noo, nag-iwan din ng marka sa simbahan ang insidente sa pamamagitan ng isang aral na balak nilang ibahagi sa mga parokya para maiwasan na itong maulit.

--Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.