Pag-ungkat sa bank account ni Duterte, uusad ba sa pag-atras ng Ombudsman?

ABS-CBN News

Posted at Feb 16 2018 08:46 PM | Updated as of Feb 16 2018 09:08 PM

Sunod-sunod ang patutsada ni Solicitor General Jose Calida laban kay Ombudsman Conchita Carpio-Morales sa Twitter.

Si Calida ang pangunahing abugado ng gobyerno habang si Morales naman ang inatasang mag-imbestiga sa paglabag ng mga kawani ng gobyerno. 

Ayon kay Calida, may responsibilidad si Morales na isapubliko ang imbestigasyon sa umano'y hindi maipaliwanag na yaman ni Pangulong Rodrigo Duterte at kaniyang mga anak. 

"The Ombudsman has the Constitutional duty to publicize this matter, as it involves the President of the Republic of the Philippines," ani Calida. 

Ito'y matapos ang pahayag ni Morales na nanahimik ang kaniyang opisina sa isyu dahil highly-confidential umano ang kanilang imbestigasyon.

"Fact-finding investigations, under the rules, are generally confidential in nature. The Office is not obliged to inform the subject of the fact-finding investigation about its outcome," saad ni Morales.

Kamakailan ay inanunsiyo ni Morales na sarado at tinapos na nila ang kanilang imbestigasyon sa pamilya Duterte dahil hindi nagbigay ng impormasyon ang Anti-Money Laundering Council.

"The Office of the Ombudsman confirms that the fact-finding or field investigation on the complaints filed against the President was closed and terminated on 29 November 2017 after the Anti-Money Laundering Council declined to provide a report or confirmation on the requested vital data." 

Tingin naman ni Senador Antonio Trillanes IV, may sabwatan na ang Palasyo at AMLC dahil appointee ni Duterte ang kasalukuyang pinuno nito. 

"Let us remember that the executive director of AMLC was appointed by Duterte and has since been proactively protecting his poliical master," ayon sa senador.

Kaya naman hiniling ni Trillanes na imbestigahan ito ng Senado para mapilitan ang AMLC na magbigay ng impormasyon.

"Now in the interest of transparency and accountability, I am calling on the Senate Committee on Banks to conduct an inquiry so we could summon the AMLC and question the legality of its refusal to comply with the Ombudsman's request," ani Trillanes. 

Para kay Aries Arugay, isang propesor ng political science, kahit winakasan na ng Office of the Ombudsman ang imbestigasyon ay hindi nangangahulugan na tapos na rin ang laban ni Trillanes laban sa Pangulo.

"Sa tingin ko hindi dead end...Hindi puwedeng sabihin na may finality," sabi ni Arugay. 

Bukod sa AMLC, sinabi rin ni Trillanes na susi sa katotohanan ang bangko kung saan nakadeposito umano ang mga tagong yaman ng Pangulo.

"Ulitmately, the truth about this very important issue is stored in the data storage of AMLC and BPI," ani Trillanes.

--Ulat ni Adrian Ayalin, ABS-CBN News