Pag-ambush sa abugado sa QC, kinondena ng IBP

Johnson Manabat, ABS-CBN News

Posted at Feb 16 2018 04:49 PM | Updated as of Feb 16 2018 05:09 PM

Kinondena ng pamunuan ng Integrated Bar of the Philippines ang nabigong pananambang sa isang abugado sa Quezon City, Martes ng madaling araw.

Kasabay nito, nanawagan rin sa awtoridad ang IBP na resolbahin ang kaso at mapanagot sa batas ang mga salarin sa likod ng krimen

Sa inilabas na pahayag ng IBP, sinabi nito na isang lantarang pag-atake sa rule of law ang nabigong pananambang kay Atty. Argel Joseph Cabatbat.

Bagama’t nakaligtas sa ambush, isa lamang si Atty. Cabatbat sa napakaraming abogado na nalagay ang buhay sa bingit ng kamatayan dahil sa paggampan sa kanilang tungkulin.

Binigyang diin ng IBP na walang puwang sa isang sibilisadong lipunan ang mga hired killer at ang mga mastermind ng mga ito.

Si Cabatbat ay sakay ng kanyang SUV, kasama ang dalawang iba pang lalaki, nang tambangan ng mga salarin sakay ng dalawang motorsiklo sa kanto ng East Avenue at EDSA sa QC. 

Hindi tinamaan ng bala si Cabatbat pero hinabol pa rin niya ang mga umatake at nagawa pang mapatay ang isa sa mga suspek na kalauna'y nadiskubreng isa pa lang AWOL na pulis.

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.