Fertilizer umaabot na ng P1,200/sako; mga magsasaka, umaray

Rex Ruta, ABS-CBN News

Posted at Feb 16 2018 04:19 PM

Hirap na rin ang ilang magsasaka sa Puerto Princesa dahil sa mataas na presyo ng gamit pang agrikultura. Rex Ruta, ABS-CBN News

Dumadaing na ang ilang magsasaka sa Puerto Princesa sa Palawan dahil sa mataas na presyo ng mga gamit pananim at kakulangan sa binhi ng gulay.

Kung dati-rati ang isang sako ng abono o fertilizer ay mabibili lang sa P800, ngayon ay umaabot na ito sa halagang P1,200.

Kaya pinagsusumikapan umano nila na pagkasyahin na lang ang kikitain para sa gastusin.

Gutom daw ang aabutin nila sa ganitong sistema.

Hindi raw kasi tumataas ang bilihan sa kanila ng palay at gulay, madalas ay binabarat pa sila ng mga namimili.

Kung tutuusin umano ay hindi pa sila nakakabawi sa pagkalugi nang masira ng baha ang kanilang mga pananim nang dumaan ang sunod-sunod na bagyo sa Palawan.

Hinihintay rin umano ng mga magsasaka kung may maibibigay na financial assistance sa kanila ang gobyerno. 

May inaabot naman na tulong gaya ng libreng paararo ng lupa at irigasyon pero hindi raw ito sumasapat dahil sa malaking kabawasan sa naaani.

Ayon sa supplier ng mga gamit pananim sa Puerto Princesa, mabilis na nagbabago ang kanilang presyo.

Naapektuhan din ang supply ng abono dahil sa sama ng panahon. 

Aminado rin sila na nagkakaubusan ng supply ng binhi ng gulay.

Hiling lang ng mga magsasaka na maramdaman umano ang suporta mula sa gobyerno lalo pa na maliban sa pagtaas ng presyo ay kinakaharap pang hamon ang nararanasang pabago-bagong panahon.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.