DOH, hinimok na paigtingin pa ang tulong sa mga naturukan ng Dengvaxia

ABS-CBN News

Posted at Feb 16 2018 10:23 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Dalawa pang batang nabakunahan ng Dengvaxia at namatay ang isinailalim sa forensic investigation ng Public Attorney's Office (PAO).
    
Ito na ang ika-20 at 21 na nasuri ng PAO kaugnay ng isyu ng bakuna kontra dengue.

Dahil dito, hinimok ng PAO ang Department of Health na tumulong sa mga maysakit na naturukan ng Dengvaxia. 

Ayon kay Eleonor Flordeliz, namatay ang kanyang anak na si Charmel noong Mayo ng nakaraang taon, limang buwan matapos ang pangalawang turok ng Dengvaxia sa Mauban, Quezon.

Pananakit umano ng paa at kasukasuan ang inireklamo ng kaniyang anak.
    
Batay sa clinical findings, dengue shock syndrome ang ikinamatay ng bata.
    
Sa forensic examination sa mga labi ng bata, nakita rin ang matinding pamamaga at pagdurugo sa utak at parehong baga.

"Consistent pa rin ito sa sinabi ng Sanofi na 'yung Dengvaxia may cause neurotropism, viscerotropism or severe dengue," sinabi ni Dr. Erwin Erfe, direktor ng PAO Forensic Laboratory Services. 

Sa San Isidro, Nueva Ecija naman, namatay noong Disyembre 2016 ang 12 anyos na si Melvin Karl Elipane, 12 araw matapos ang pangalawang turok sa kanya ng Dengvaxia.

Batay sa death certificate, cardiopulmonary arrest at brain hemorrhage ang ikinamatay ni Elipane.
    
Sa forensic examination, nakumpirma ang mga senyales ng pagdurugo sa bahagi ng utak ng bata.

Ngayon lang nalaman ng ina ni Elipane na hindi pala dapat nabakunahan ang anak na may kapansanan at hindi makalakad nang pantay.
    
Ayon kay PAO chief Persida Rueda-Acosta, patuloy ang natatanggap nilang request para ipa-autopsy ang mga namatay na iniuugnay sa Dengvaxia.

"Si [Secretary Francisco Duque]…maging busy po kayo sa panggagamot, pagliligtas ng buhay ng mga inyong nabakunahan. Andami pong batang nasa ospital ngayon, kailangang kailangan kayo," ani Acosta.

Sagot naman ng Department of Health, 99 percent ng kanilang ginagawa ay para pangalagaan ang mga naturukan ng Dengvaxia.

"Meron tayong special lane para sa mga Dengvaxia na naturukan. Kahit ano 'yung sakit nila, pag pumunta sila sa mga ospital ng [DOH], mga ospital ng pamahalaan, siguradong aalagaan sila," ayon kay Undersecretary Eric Domingo. 

Pero hindi kuntento ang PAO, maging ang Volunteers Against Crime and Corruption sa ginagawa ng DOH, dahil sunod-sunod pa rin umano ang mga naitatalang namamatay nito lang mga nakaraang buwan.

--Ulat ni Dominic Almelor, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.