6 na umano’y miyembro ng ‘budol-budol,’ arestado sa Makati

Jervis Manahan, ABS-CBN News

Posted at Feb 16 2018 03:24 AM

Arestado ang 4 na babae at 2 lalaki na umano'y mga miyembro ng budol-budol gang sa Palanan, Makati City Huwebes ng gabi.

Hinuli ng mga pulis ang mga suspek matapos silang makita na may iniipit umanong isang Chinese national sa isang bangko.

Pinipilit umano ang biktima na mag-withdraw ng pera sa ATM, ayon sa Palanan Police Community Precinct.

Ang iba namang miyembro ng grupo ay nagsilbing lookout sa isang taxi.

Narekober sa mga suspek ang pera, ilang bote ng alak, at isang tableta ng hinihinalang valium.

Kinumpiska rin ang kanilang mga cellphone kung saan may kahina-hinalang text messages na posibleng maging ebidensya sa kanilang pambibiktima.

Ayon sa isa sa mga suspek, nakilala nila ang biktima sa Chinatown habang ipinagdiriwang nila ang Chinese New Year.

Gusto raw maglibot ng biktima sa Maynila para mamasyal at sinamahan lang daw nila siya.

Nagkainuman umano sila pero di naman daw nila kinuhanan ng pera ang biktima.

Dinala na ang mga suspek sa main headquarters ng Makati police para imbestigahan.

Pinag-aaralan pa ng pulisya kung ano ang isasampang kaso sa kanila.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.