10 naitalang namatay, 180 iba pa tinamaan ng diarrhea sa Palawan

Rex Ruta, ABS-CBN News

Posted at Feb 16 2018 05:01 PM

Nagpositibo sa lahat ng uri ng bacteria ang mga balon sa bayan ng Balabac sa Palawan na nagiging sanhi ng pagkakasakit ng diarrhea ng mga residente. Rex Ruta, ABS-CBN News

Umabot na sa sampu ang naitalang namatay dahil sa diarrhea sa Balabac, Palawan, ayon sa rural health unit (RHU) ng lalawigan.

Tumaas umano ang kaso ng diarrhea simula pa noong Disyembre, matapos na manalasa ang bagyong Vinta sa bayan.

Nasa 180 na ang dinala sa RHU at sa ilang pagamutan sa Palawan dahil sa sakit. 

Pinaniniwalaang nagmula ang sakit sa tubig sa ilang deep well o balon na nakontamina ng baha. Sa ginawang water testing, lumabas na positibo sa lahat ng uri ng bacteria ang tubig sa mga balon sa bayan.

May ilang residente naman sa isla ang hirap na maabot ng serbisyo medikal dahil na rin sa problema sa transportasyon. Pero pagdating sa supply ng gamot ay naibabahagi naman daw ito.

Hindi na raw itinuloy ng RHU ang pagdedeklara ng diarrhea outbreak dahil nako-kontrol naman umano ang pagtaas pa ng mga kaso.

Kinukulang lang raw sila sa medical workforce para matututukan pa ang mga nasa isla at sa magagamit na sasakyang pandagat.

Endemic diarrhea na raw kung ituring ang sakit sa ilang isla sa Balabac dahil kada-buwan ay mayroong naitatalang pasyente na may sakit nito.

Samantala, ngayong taon naman mapopondohan ang patubig sa mainland Balabac at ang paglalaan ng water desalination o chlorinator sa mga isla para sa pangmatagalang solusyon sa problema sa kontaminadong tubig.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.