1 patay, 8 sugatan matapos araruhin ng SUV sa Pampanga

Gracie Rutao, ABS-CBN News

Posted at Feb 16 2018 05:14 AM

Kuha ng Minalin police

Patay ang isang lalaki habang 8 naman ang sugatan matapos silang araruhin ng isang SUV sa Barangay Lourdes, Minalin, Pampanga.

Batay sa imbestigasyon ng Minalin police, matulin umano ang takbo ng SUV na minamaneho ni Ronnie Sotto, 52, residente ng Sto. Tomas, Pampanga.

Tinamaan din ng SUV ang isa pang sasakyan na tumilapon sa isang bakod.

Kasama na rin ang 6 na motorsiklo na nakaparada sa daan hanggang sa sumalpok ang SUV sa bakod ng isa pang bahay.

Sa galit ng mga residente, kinuyog ang SUV. Binasag ang mga bintana at windshield at hinagisan ng malalaking bato at bote ng alak.

Ayon sa pulisya, nakainom umano ang driver ng SUV nang mangyari ang aksidente.

Napag-alaman din nila na binugbog umano si Sotto nang mapagtripan daw sa pinanggalingang lamay.

Nakapiyansa na ang driver para sa kasong reckless imprudence resulting in homicide, multiple physical injuries at damage to properties.

Nakipag-ugnayan na rin ito sa pagsagot sa lahat ng gastos sa mga biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.