Mga vendor na nabigyan ng libreng swab test sa Pritil Public Market sa Tondo, Manila noong Oktubre 6, 2020. George Calvelo, ABS-CBN News/File
MAYNILA — Magbibigay ng libreng swab test ang local government unit ng Maynila para sa mga nagtatrabaho sa sinehan sa lungsod.
Ito ang inanunsiyo nitong Lunes ni Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso sa pulong sa city hall kasama ang mall managers.
Kamakailan, pinayagan na kasi ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Disease ang pagbubukas ng mga sinehan at iba pang establisimyento sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine, basta't papayagan ng local officials.
Required umanong sumailalim sa swab test ang janitors, security guards, tellers, ushers, porters, ticket tellers at snack bar attendants.
Ayon kay Moreno, ang pagbubukas ng mga ito ay magpapataas ng foot traffic at makadadagdag sa kita ng mga negosyong tinamaan ng pandemya.
Pinalatag rin ng alkalde sa mga mall managers ang kanilang plano sa pagsunod sa mga health protocols sa muling pagbubukas ng mga sinehan.
Physical distancing ang tututukan ng mga mall managers. Magpapatupad ng two-seat apart ang SM Mall, habang one-seat apart naman ang Robinsons Mall. Ang Lucky Chinatown Mall naman, apat na sinehan lang ang bubuksan.
Umiiral pa rin ang "no face mask, no face shield, no entry policy" sa mga mall sa lungsod.
— Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News
FROM THE ARCHIVES:
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, metro, metro news, Manila, Isko Moreno, swab test, cinema, sinehan, reopening of cinemas, malls, general community quarantine, Covid-19, Covid-19 pandemic