Pampasaherong bus sumalpok sa mga bahay; 7 sugatan

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Feb 15 2020 11:50 AM

Nasagi umano ng bus ang retaining wall ng kalsada bago tumama sa poste at dumiretso sa mga bahay sa gilid ng kalsada sa bayan ng Bambang sa Nueva Vizcaya. Larawan mula kay Jenjen Sabtal

BAMBANG, Nueva Vizcaya - Pito ang sugatan matapos salpukin ng pampasaherong bus ang tatlong bahay sa tabing kalsada sa Barangay Abian dito sa bayan, Biyernes ng madaling araw.

Sa imbestigasyon, galing Maynila at papuntang Cagayan ang Florida Bus. Pero nang makarating ito sa pakurbadang bahagi ng kalsada ay nasagi nito ang retaining wall.

Sa lakas ng pagbangga ay tuluyang nawalan ng kontrol ang bus at napunta sa kabilang linya ng kalsada. Tumama pa sa poste ng kuryente ang bus bago dumiretso sa mga bahay.

“Tinitingnan natin 'yung posibilidad na nakatulog 'yung driver,” sabi ni Police Capt. Samuel Lopez.

Nagtamo ng minor injuries ang tatlong pasahero ng bus, habang apat sa mga residente ng mga napinsalang bahay ang nasugatan din matapos madaganan ng hollow blocks.

Laking pasalamat naman ng residenteng si Marilyn Gaspar dahil nasagip silang mag-asawa ng kanilang mga kapitbahay.

“'Yung ulo ko medyo okay na, pero masakit pa rin itong dibdib ko,” sabi ni Gaspar.

Umaasa ang mga biktima sa pangakong tulong ng bus company. Tiniyak din ng kumpanya na isusuko ang driver na tumakas dala ang dash cam ng bus na maaari sanang magamit bilang ebidensiya sa aksidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.