‘It’s about time’: Vilma Santos hinirit ang pagtalakay sa ABS-CBN franchise bills

Andrew Bernardo, ABS-CBN News

Posted at Feb 15 2020 07:30 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Kulang 2 buwan bago mapaso ang prangkisa ng ABS-CBN, nanawagan si Lipa City Rep. Vilma Santos-Recto na dapat nang talakayin ng Kamara ang mga panukala sa franchise renewal ng pinakamalaking broadcast network sa Pilipinas.

"It's about time. I think [that] House committee on franchise should once and for all hear the renewal ng franchise of ABS-CBN. They should hear the other side," sabi ni Santos-Recto nitong Sabado.

Si Santos-Recto ang sponsor ng isa sa hindi bababa sa 11 franchise renewal bills ng ABS-CBN na hanggang ngayon ay nakatengga sa Kamara.

Nauna nang sinabi ni House Speaker Alan Peter Cayetano na hindi urgent o hindi aapurahin ng Kamara ang pagtalakay sa franchise ng ABS-CBN.

Bukod sa nakatiwangwang na panukala sa Kamara, isa pang dagok na hinaharap ng ABS-CBN ay ang paghahain ni Solicitor General Jose Calida ng quo warranto petition sa Korte Suprema upang ipawalangbisa ang kasalukuyang prangkisa ng ABS-CBN, dahil umano sa mga paglabag.

Sakaling mawalan ng prangkisa, mawawala sa ere ang Channel 2, pati na rin ang DZMM 630, DZMM Teleradyo, at TFC.

Tinatayang 11,000 empleyado din ng ABS-CBN ang posibleng mawalan ng hanapbuhay.

Gayunpaman, kumilos na ang Senado at sinabing tatalakayin sa susunod na linggo ang isyu ukol sa franchise ng ABS-CBN, alinsunod sa resolusyon na hinain ni Sen. Grace Poe.

"Sa Senado 2 isyu ang pag-uusapan du'n, 'yung rehabilitation ng Taal victims dito sa lalawigan ng Batangas at 'yung prangkisa ng ABS-CBN," sabi ni Sen. Ralph Recto.

Patuloy naman ang pagbuhos ng suporta para sa TV network.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.