HK-based OFWs na stranded sa Pinas umapelang alisin ang travel ban

ABS-CBN News

Posted at Feb 15 2020 09:28 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Matapos bawiin ng Pilipinas ang travel ban sa Taiwan sa gitna ng banta ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19), umapela naman ang stranded overseas Filipino workers (OFW) sa Pilipinas na pabalikin na rin sila ng Hong Kong kung saan sila employed.

Sa liham na isinulat ng grupong #StrandedPH, umapela sila sa International Court of Justice na kumbinsihin ang pamahalaan na bawiin ang travel ban sa lugar. 

Ayon kay Joms Ortega, isang Hong Kong-based OFW, ginawa umano ito dahil tingin ng grupo na hindi patas ang pagpapatupad ng travel ban sa Hong Kong. 

"Ang #StrandedPH is appealing and not threatening the government. We are hoping they would consider our appeal dahil naghihirap na rin 'yong mga tao dito,” ani Ortega.

Paliwanag ni Ortega, maaapektuhan kasi ang kanilang trabahong naiwan sa Hong Kong.
 
"Since wala sila doon, no work no pay. Some might be terminated or have already been terminated dahil urgent ang kailangan ng employers," ani Ortega. 

Handa na rin umano silang pumirma ng waiver para lang payagan silang bumalik sa Hong Kong. 

Samantala, patuloy na pinag-aaralan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Infectious Disease (IATF) kung maaari nang baguhin ang travel restrictions sa ibang lugar gaya ng Hong Kong at Macau. 

—Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.