Ayuda para sa ilang Bacoor hog raisers na sapul ng ASF di pa rin dumarating

ABS-CBN News

Posted at Feb 15 2020 06:07 PM | Updated as of Feb 15 2020 08:50 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Daan-daang baboy ang pinatay sa Bacoor City, Cavite noong Nobyembre 2019 para maiwasan ang pagkalat ng African swine fever (ASF), kasabay ng pangako ng pamahalaan na bibigyan ng tulong pinansiyal ang mga masasapul na hog raisers.

Pero makalipas ang ilang buwan, hindi pa rin nakakarating ang kabuuan ng perang inaasahan ng mga magbababoy.

Nakuha na ng mga magbababoy ang tulong mula sa Bacoor City Hall at Cavite Provincial Government na tig-P2,000 kada baboy, pero ang galing sa Department of Agriculture (DA) na P5,000 kada baboy ay wala pa rin, ayon sa mga hog raiser.
    
Bakas ang lungkot sa mukha ni Emily Pones nang ikuwento na 46 baboy niya ang isinailalim sa culling operation kontra ASF. Pero Pebrero na, hindi pa rin kumpleto ang bayad sa kanila.

"Panawagan ko sa gobyerno sana asikasuhin naman nila kasi hirap na hirap na kami," ani Pones.

Si Ramel Macapanas naman na 15 alagang baboy ang kinumpiska at pinatay, naghihintay din ng tulong sa gobyerno.

"Nangangailangan din kami. Baon na sa utang. May estudyante rin kami," sabi niya.

Paliwanag ng DA-Calabarzon, dumaraan kasi sa masinsinang proseso kaya di pa kumpleto ang ayudang galing sa national government.

"May pera naman para mabayaran as promised by secretary (William Dar)... Kailangan lang dumaan talaga sa bureaucratic process kasi we have to remember this is government money and we have to be accountable," sabi ni DA Calabarzon regional executive director Arnel de Mesa.

Ayon naman sa tagapagsalita ng DA, posibleng sa susunod na linggo dumating na ang budget para sa mga hindi pa nabigyan.

Sa mga konsumer na nais magpadala ng reklamo, mag-post lang sa Facebook page ng Tapat Na Po.

—Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.