2 sugatan sa banggaan ng tricycle, sports car sa QC

Fred Cipres, ABS-CBN News

Posted at Feb 15 2020 11:47 AM

Pinagtulungang itayo ng mga rescuer ang tricycle na tumagilid matapos na mabangga ng sports car sa Quezon City. Fred Cipres, ABS-CBN News

MAYNILA - Sugatan ang isang tricycle driver at pasaherong babae nito matapos banggain ng sports car sa Central Avenue, Barangay Culiat sa Quezon City, Sabado.

Agad na dinala sa pagamutan ang hindi pa nakikilalang pasaherong babae matapos magtamo ng mga sugat sa katawan.

Sumama din sa ambulansya ang driver ng tricycle na si David Teada dahil sa mga gasgas na kaniyang natamo at para na din magpa-medico legal.

Ayon kay Barangay Culiat Administrator Diosdado Yapcengco, binabagtas ng tricycle ang northbound lane ng Central Avenue nang bigla na lang itong mabangga sa likod ng isang sports car na puti na walang plaka.

Sa lakas ng pagkakabangga, bumaligtad ang tricycle. Tumilapon ang driver habang naipit naman sa loob ang babaeng pasahero.

Hawak na ng Quezon City Police District Traffic Sector 5 ang driver ng nakabanggang sports car.

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.