'Walang time': Lalaki, di nag-renew ng lisensiya ng mga baril, inaresto

ABS-CBN News

Posted at Feb 15 2019 06:21 PM | Updated as of Feb 15 2019 10:51 PM

Depensa ng suspek, hindi na siya nakapag-renew ng lisensiya ng baril matapos mawalan ng oras dahil sa pag-aalaga sa may sakit na ina. Screengrab

Arestado ang isang dating manager ng fast food restaurant sa Biñan City, Laguna matapos makuhanan ng mga hindi lisensiyadong baril kasabay ng umiiral na election gun ban.

Sa bisa ng search warrant, hinalughog ng mga pulis nitong Biyernes ng umaga ang bahay ni Victor Thomas Ilagan sa Barangay Biñan.

Sa isang sulok ng kaniyang kuwarto, natagpuan ng mga pulis ang dalawang itinatagong baril at mga bala.

Watch more in iWantTFC

Sabi ng Biñan City police, bago pa ipatupad ang gun ban ay sinulatan na nila si Ilagan para ayusin ang lisensiya ng kaniyang mga baril.

"Ang problema, hindi siya nag-renew... [Kaya] nag-apply po tayo ng search warrant," paliwanag ni Superintendent Danilo Mendoza, hepe ng Biñan City police.

Pero depensa ni Ilagan, pampersonal na proteksiyon lang naman niya ang mga baril. Wala din daw siyang oras dahil sa pag-aalaga sa ina. 

"Hindi ako nag-renew kasi mommy ko may sakit eh, walang time," aniya. 

Arestado si Ilagan at nahaharap sa reklamong illegal possession of firearms and ammunition at paglabag sa Omnibus Election Code.

—Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.