Train system na magdudugtong sa Malolos at Tutuban, uumpisahan na

ABS-CBN News

Posted at Feb 15 2019 06:52 PM | Updated as of Feb 15 2019 11:13 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pagkatapos maantala nang maraming taon ay masisimulan na sa wakas ang pagpapatayo ng mas makabagong mga tren at riles ng Philippine National Railways (PNR).

Nitong Biyernes ay nagkaroon ng groundbreaking ceremony ang Transport officials ng bansa at mga kinatawan ng Japan International Cooperation Agency (JICA) para sa pag-arangkada ng unang yugto ng North-South Commuter Railway project.

Ang kabuuang proyekto ay layong ikonekta ang mga lugar sa Central Luzon, Metro Manila, at Calabarzon.

Nasa 80 porsiyento ng proyekto ay popondohan ng utang galing Japan at ang natitira naman ay manggagaling sa budget ng gobyerno. Nagkakahalaga ang unang phase ng proyekto ng P149 bilyon.

Maraming commuters mula sa probinsiya ang nagalak, lalo't dekada ang binilang bago nasimulan ang proyekto na inanunsiyo noong panahon pa ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Layong paikliin ng unang phase ng proyekto ang biyahe sa pagitan ng Malolos at Tutuban at inaasahan itong matapos sa 2021.

"Matagal na kasi naming hinihintay 'yan eh. Lalo na dito sa Bulacan sobrang traffic kasi dito," ayon kay John Michael Tico, supervisor ng isang fast food restaurant na nagbubus nang balikan sa Malolos at Caloocan.

Pagmamalaki ni Transportation Secretary Arthur Tugade, kaya nitong gawing 30 hanggang 40 minuto ang biyahe sa pagitan ng Maynila at Malolos mula sa mahigit dalawang oras.

Noong 2010 pa dapat nagkaroon ng makabagong train system ang PNR sa ilalim ng $2 bilyon North Rail Project ni Arroyo.

Ibinasura ito ng sumunod na administrasyon dahil sa umano'y maanomalyang mga Chinese na kontraktor ng proyekto.

Hindi rin daw pabor sa Pilipinas ang terms ng utang nito sa China para sa proyekto.

Taong 2015 nang buhayin muli ito pero sa pamamagitan na ng pautang mula sa Japan.

—Ulat ni Bruce Rodriguez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.