Miyembro ng Marines patay nang maputukan ng nililinis na baril

ABS-CBN News

Posted at Feb 15 2019 10:29 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Patay ang isang miyembro ng Philippine Marine Corps nang aksidente umanong maputok ang nililinis na baril sa Sta. Cruz, Maynila ngayong Biyernes.

Batay sa imbestigasyon ng Manila Police District (MPD), naglilinis ng kaniyang baril si Corporal Michael Arceo sa kanilang bahay sa Malabon St. Barangay 338 nang makarinig ng putok ng baril ang kinakasama nitong si Sushmita Tayo.

Pag-akyat daw ni Tayo sa kanilang kuwarto ay nakita nalang na duguan ang biktima na may tama ng bala sa ulo.

Agad na isinugod sa University of Santo Tomas Hospital si Arceo pero binawian din ito ng buhay.

Sa opisyal na report ng MPD, posibleng aksidenteng pumutok ang baril ni Arceo na kaniyang ikinamatay.

-- Ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.