Elevated U-turn hirit ng MMDA sa pagsasara ng Tandang Sora flyover

ABS-CBN News

Posted at Feb 15 2019 08:50 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ihinihirit ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagkakaroon ng elevated na U-turn slot sa Commonwealth Avenue para matugunan ang inaasahang trapiko sa pagsasara ng Tandang Sora flyover simula Pebrero 23. 

Ito ay dahil isasara rin ang intersection sa ilalim ng flyover, na siyang daluyan ng mga kotseng papasok at lalabas ng Tandang Sora Avenue. Dahil dito, hindi makakatawid ang mga sasakyan at kailanganin pa nilang mag U-turn sa ibang daluyan. 

Ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia, delikado rin para sa mga motorista na kumanan sa Luzon Avenue, na tatabasan ng sampung lane kasunod ng pagkukumpuni. 

Ani Garcia, isusumite nila ang kanilang rekomendasyon sa Department of Transportation, na siyang namamahala sa proyekto. 

"Malaking bagay kasi na magkaroon ng elevated U-turn dito, kasi sa ngayon yung kumakanan dito tatabas sya ng sampung lane para makapunta sa gitna, makapag-U-turn siya," aniya. 

Sa traffic scheme ng pagsara ng flyover ay kakailanganing mag-U-turn pagkalampas ng Iglesia ni Cristo ang mga galing Fairview para makadaan sa Tandang Sora Avenue. 

Maaari namang kumanan ang mga trak na galing Katipunan Avenue sa Commonwealth at pumunta sa U-turn slot lampas sa susunod na footbridge. 

Dalawang taon ang itatagal ng pagsasara ng intersection kaya magtatalaga raw ng 150 traffic enforcer ang MMDA para alalayan ang mga motorista. 

Nasa 3,000 sasakyan kada araw ang dumaraan sa Tandang Sora flyover. Magsisimula ang pagsara ng flyover sa Pebrero 23, alas-11 ng gabi. 


-- Ulat ni Jorge Cariño, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.