Electrician patay sa pamamaril habang ka-date ang kinakasama sa GenSan

Francis Canlas, ABS-CBN News

Posted at Feb 15 2019 09:40 AM

GENERAL SANTOS CITY - Nauwi sa trahedya ang masayang pagdiriwang ng Valentine’s Day ng magkasintahan dito sa lungsod matapos silang tambangan ng mga hindi pa kilalang salarin, Huwebes.

Nag-date sa isang videoke stall sa Barangay Dadiangas South sina Jessa Bagayan at ang kinakasama niyang si Julito Premor bandang alas-9 ng gabi.

Ayon kay Bagayan, umalis lang siya sandali nang makarinig siya ng putok ng baril. Nakita pa niya ang 2 lalaking naka-helmet na naglakad papunta sa motorsiklo at mabilis na umalis. 

Laking gulat na lang niya nang makitang nakahandusay na ang kaniyang kinakasamang si Premor.

Saad ni Bagayan, wala umanong naikuwentong atraso o problema si Premor sa kaniya kaya nagtataka siya sa pagpatay sa biktima.

Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente.

Simula noong Enero hanggang nitong Pebrero 14, 11 na ang naitalang insidente ng pamamaril dito sa lungsod kung saan 5 na ang namatay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.