Bawal na campaign materials, sapul sa inspeksiyon sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Feb 15 2019 08:20 PM

Sinuyod ng Commission on Elections (Comelec) nitong Biyernes ang ilang lugar sa Maynila, Caloocan, at Pasay City para maghanap ng mga ilegal na campaign materials matapos mapaso ang tatlong araw na "grace period" na ibinigay nila sa pagbaklas ng mga ito. 

Nagsimula ang campaign period noong Martes pero pinayagan ng Comelec na magbaklas ang mga kandidato hanggang Huwebes. 

Sa ilalim kasi ng campaign period, di na uubra ang posters at tarpaulins na labag sa patakaran ang sukat o lugar ng pinagdikitan.

May pananagutan na rin ang mga kandidatong ibinibida sa mga campaign materials kahit na mga tagasuporta lang nila ang nagpasimuno ng pagpapaskil ng materyales. 

Sa pag-iikot nila sa Maynila, nasapul agad ng Comelec ang mga poster nina senatorial candidates Bong Revilla at JV Ejercito na nakasabit sa kawad ng kuryente.

Ang mga poster naman nina Jinggoy Estrada at Mar Roxas, nakasabit sa poste.

Huli rin ang dambuhalang tarpaulin ni Bong Go sa UN Avenue at poster niyang nakasabit sa kawad ng kuryente.

Sa patakaran ng Comelec, sa designated areas lang dapat isinasabit ang mga campaign material. Hindi kasama rito ang mga puno, poste, sidewalk, overpass, highway, at tulay.

"Maraming violators. May nakita tayong mga illegally placed, illegally sized... Dino-document lang natin today then after that, we will print out all the pictures that we took and then we will send notices to these candidates. Ito na 'yung simula ng legal process natin para ma-cite sila for election offenses," ani Comelec spokesman James Jimenez. 

Ayon pa kay Jimenez, puwedeng makulong ng hanggang anim na taon, pagmultahin, o pagbawalan nang maupo sa gobyerno ang mga mapapatunayang lumabag sa batas.

Isusunod na ng Comelec ang pagbaklas sa propagandang labag sa patakaran.

—Ulat ni Christian Esguerra, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.