Babae na naghahanap ng kaniyang ‘forever’ sa Valentine's Day, nabugbog sa Davao City

Bonna Pamplona, ABS-CBN News

Posted at Feb 15 2019 04:57 PM

DAVAO CITY - Umiiyak na dumulog sa himpilan ng pulis ang isang babae matapos umano siya bugbugin ng mga kainumang lalaki, Biyernes.

Ayon sa 33-taong gulang na si alyas “Maria,” binugbog umano siya ni Kenny Roger Agua sa isang videoke house dito sa lungsod habang sila ay nag-iinuman.

Ayon kay “Maria,” nag-aaliw lang sana siya Huwebes ng gabi sa paghahangad na makita ang kaniyang "true love at forever" sa Araw ng mga Puso.

Ayon sa initial investigation ng Talomo Police, kainuman ni “Maria” si Agua at isa pang lalaki.

Nang gusto na sanang umalis ni “Maria,” pinigilan ito ni Agua at kasamahan nito kaya nasampal ang lalaki, dahilan para gantihan niya ang biktima ng suntok at sampal.

"Nagmakaawa ako na itigil na ang pagbugbog. Pero sinampal pa rin niya ako. Sinuntok at tinadyakan hanggang may nakakita," sabi ng biktima.